Ang salukara ay isang uri ng pankeyk ng mga Waray sa Silangang Samar, Pilipinas. Gawa ito sa galapong (o harinang malagkit), gata, asukal, at tubig, ang parehong mga sangkap sa paggawa ng keyk na tinatawag na bibingka. Karaniwang ginagamit ang tuba bilang pampaalsa, na nagpapaasim nang kaunti sa mga pankeyk, pero maaari itong palitan ng karaniwang lebadura. Niluluto ang mga ito sa kawali o luwad na palayok na, ayon sa tradisyon, nilagyan ng mantika ng baboy o sinapinan ng dahon ng saging. Karaniwan itong inaalmusal o minemeryenda.
Paglalarawan
Ang salukara ay isang Pilipinong pankeyk na gawa sa galapong, o giniling na bigas. Maaaring gamitin ang katutubong bigas, na karaniwang may mas banayad na amoy kumpara sa mga komersiyal na baryante. Para naman sa pampaalsa, karaniwang ginagamit ang simpleng lebadura, habang ang iba naman ay gumagamit ng tuba. Niluluto ito sa kawali na may taba ng baboy. Pagkatapos, sinasapinan ito ng dahon ng saging. Kalasa ito ng bibingka, na may bahid ng puto. Naikumpara na ito sa mga Amerikanong pankeyk.
