factograf
TL
Sign in

kabisera ng Afghanistan

Kabul

Kabul

Key facts

populasyon5,333,284
labuwad275km²
ay halimbawa nglungsod
bansaAfghanistan
araw ng pagtatag1200
All data from the card 19
Bansa
Afghanistan
Lalawigan
Kabul
Blg. ng distrito
22
Blg. ng Gozar
630
Pagbuo ng kabisera
1776
• Uri
Munisipilidad
• Alkalde
Hamdullah Nomani
• Diputadong Alkalde
Maulvi Abdul Rashid
• Kabiserang lungsod
383.1 km2 (147.9 milya kuwadrado)
• Metro
4,524 km2 (1,747 milya kuwadrado)
Taas
1,791 m (5,876 tal)
• Kabiserang lungsod
4,950,000 (Una sa Apganistan)
• Kapal
12,920/km2 (33,500/milya kuwadrado)
Mga tawag sa tagalugar
Kabuli
Sona ng oras
UTC+04:30 (AFT)
Kodigo ng koreo
10XX
Kodigo ng lugar
(+93) 20
Klima
BSk
Websayt
km.gov.af

Ang Kabul ay ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng Apganistan. Matatagpuan ito sa silangang bahagi ng bansa, at isa rin itong munisipalidad na bahagi ng Lalawigan ng Kabul. Hati ang lungsod sa 22 distrito para sa administrasyon. Tinatayang nasa humigit-kumulang 4.95 milyon ang populasyon ng Kabul noong 2023. Sa makabagong panahon, nagsilbi ang Kabul bilang pampulitika, pangkultura at pang-ekonomiyang sentro ng Apganistan. Dahil sa mabilis na urbanisasyon, naging pangunahing lungsod ito ng bansa.

Matatagpuan ang makabagong lungsod ng Kabul sa isang makitid na lambak na mataas ang lokasyon sa hanay ng kabundukang Hindu Kush, at napapalibutan ito ng Ilog Kabul. May taas itong 1,790 metro (5,873 tal), kaya kabilang ito sa mga kabiserang lungsod na may pinakamatataas na lokasyon sa mundo. Matatagpuan sa gitna ng lungsod ang mga lumang kapitbahayan nito, kabilang ang mga lugar ng Tulay ng Khashti, Khabgah, Kahforoshi, Saraji, Chandavel, Shorbazar, Deh-Afghanan at Ghaderdiwane.

Sinasabing higit sa 3,500 taon na ang Kabul, at nabanggit na ito noong panahon ng Persang Imperyong Akemenida. Matatagpuan ito sa isang sangandaan sa Asya, halos nasa kalagitnaan ng Istanbul sa kanluran at Hanoi sa silangan, akaya nasa isang estratehikong lokasyon ang lungsod sa mga ruta ng kalakalan ng Gitnang Asya at Timog Asya. Isa itong mahalagang patutunguhan sa sinaunang Daang Seda at tradisyunal na itinuring na tagpuan ng Tartarya, Indiya at Persa. Sa paglipas ng mga dantaon, napasailalim ang Kabul sa pamamahala ng iba’t ibang dinastiya at imperyo, kabilang ang Seleusida, mga Greko Baktriyano, mga Maurya, mga Kushan, mga Hindu Shahi, mga Kanluraning Turko, mga Turkong Shahi, mga Samanida, mga Horesmita, mga Timurida, mga Monggol, at mga Arman Rayamajhi.

Noong ika-16 na dantaon, ginamit ng Imperyong Mughal ang Kabul bilang pangtag-init na kabisera, at sa panahong iyon ay umunlad ito at tumaas ang kahalagahan. Minsan itong napasailalim sa kontrol ng mga Apsarida matapos ang pananakop ni Nader Shah sa Indiya, hanggang sa tuluyang mapunta sa lokal na pamamahala ng Imperyong Apgano noong 1747. Naging kabisera ang Kabul ng Apganistan noong 1776 sa panahon ng paghahari ni Timur Shah Durrani, anak ni Ahmad Shah Durrani. Noong ika-19 na siglo, sinakop ng mga Briton ang lungsod. Matapos magtatag ng ugnayang panlabas at mga kasunduan, umatras sila mula sa Apganistan at bumalik sa Britanikong Indiya.

Kilala ang Kabul sa mga makasaysayang hardin, pamilihan (bazaar) at mga palasyo gaya ng mga Hardin ng Babur, Palasyo ng Darul Aman at Arg. Sa ikalawang kalahati ng ika-20 dantaon, naging hintuan ang lungsod sa landa ng mga hippie na tinahak ng maraming Europeo at nakakuha ng palayaw na "Paris ng Gitnang Asya". Natapos ang panahong ito ng katiwasayan noong 1978 sa Rebolusyong Saur at sa sumunod na interbensiyong militar ng mga Sobyet noong 1979, na nagpasimula ng isang sampung taong Digmaang Apgano–Sobyetiko. Ang dekada 1990 ay minarkahan ng mga digmaang sibil sa pagitan ng mga pangkat na humiwalay mula sa nabuwag na mujahideeng Apgano, na sumira sa malaking bahagi ng lungsod. Noong 1996, sinakop ng Taliban ang Kabul. Pagkaraan ng apat na taon ng patulon-tulong labanan, bumagsak ang lungsod na pinamumunuan ng Taliban sa Estados Unidos matapos ang pananakop ng Amerika sa Apganistan na sumunod sa pag-atake noong Setyembre 11 sa Estados Unidos noong 2001. Noong 2021, muling sinakop ng Taliban ang Kabul matapos ang pag-atras ng puwersang militar ng Amerika at NATO mula sa Apganistan.

Toponimya at etimolohiya

Ang Kabul ay nakilala sa iba't ibang pangalan sa buong kasaysayan nito. Hindi tiyak ang kahulugan nito, subalit pinaniniwalaang nagmula ito bago ang mga unang pananakop ng mga Muslim, noong nasa mga ruta ng kalakalan ang lungsod sa pagitan ng Indiya at ng mundong Helenistiko. Sa Sanskrito, kilala ito bilang Kubha, samantalang tinukoy ito ng mga Griyegong manunulat noong sinaunang panahon bilang Kophen, Kophes o Koa. Itinala ng manlalakbay na Tsino na si Xuanzang (ika-7 dantaon) ang lungsod bilang Gāofù (Tsino: 高附). Unang ginamit ang pangalang "Kabul" para sa Ilog Kabul bago ito iniuugnay sa lugar na nasa pagitan ngHindu Kush at Sindh (kasalukuyang Pakistan). AKilala rin ang lugar na ito bilang Kabulistan. Noong ika-19 na dantaon, napansin ni Alexander Cunningham (namatay 1893) na ang Kaofu, ayon sa tala ng mga Tsino, ay malamang na pangalan ng "isa sa limang tribong Yuchi o Tukhari". Idinagdag ni Cunningham na ibinigay ng tribong ito ang pangalan nila sa lungsod matapos nila itong sakupin noong ika-2 dantaon BK. "Mukhang makatwiran" ang palagay na ito dahil isinulat ng histoyador na Apgano na si Mir Ghulam Mohammad Ghobar (1898–1978) na sa Avesta (sagradong aklat ng Zoroastrianismo), kilala ang Kabul bilang Vaekereta, samantalang tinukoy ito ng mga Griyego noong sinaunang panahon bilang Ortospana ("Mataas na Lugar"), nna tumutugma sa salitang Urddhastana Kastana. Itinala rin ng Griyegong heograpo na si Ptolomeo (namatay c. 170 CE) ang Kabul bilang Καβουρα (Kabura).

Ayon sa alamat, may isang lawa sa Kabul, at sa gitna nito ay matatagpuan ang tinatawag na "Pulo ng Kasayahan", kung saan nakatira ang isang masayahing pamilyang mga musikero. Ayon din sa alamat na ito, naging madaraanan ang pulo sa utos ng isang hari sa pamamagitan ng pagpapagawa ng isang tulay (pul sa Persa) na yari sa dayami (kah sa Persa). yon sa alamat na ito, nabuo ang pangalang Kabul mula sa pinagsamang dalawang salitang ito, kah + pul. Ipinapahayag naman ng Concise Oxford Dictionary of World Place Names na "hindi malamang" ang mungkahing nagmula ang pangalan sa ugat na Arabe na qbl, na nangangahulugang 'pagtatagpo' o 'pagtanggap'.

Hindi pa rin tiyak kung kailan unang iniuugnay ang pangalang "Kabul" sa lungsod. "Naging tanyag" ito matapos wasakin ni Genghis Khan (c. 1162–1227) noong ika-13 dantaon ang Kapisa at iba pang mga lungsod na nasa kasalukuyang Apganistan. Dahil sa sentrong lokasyon ng lungsod sa rehiyon, at sa kahalagahan nito bilang tagpuan ng iba’t ibang pangkat-etniko, nakilala ang Kabul bilang Paris of Gitnang Asya noong huling bahagi ng ika-20 dantaon.

Heograpiya

Tanawin sa gabi sa Kabul noong 2016 na nakaharap sa hilagang-silangan, na makikita ang Koh-e 'Aliabad sa kaliwa at Koh-e Asamai sa kanan.
Tanawin sa gabi sa Kabul noong 2016 na nakaharap sa hilagang-silangan, na makikita ang Koh-e 'Aliabad sa kaliwa at Koh-e Asamai sa kanan.
Dam ng Qargha at lawa
Dam ng Qargha at lawa
Isang tanawin ng ilan sa mga bundok na nakapalibot sa Kabul
Isang tanawin ng ilan sa mga bundok na nakapalibot sa Kabul
3 images

Ang Kabul ay matatagpuan sa silangang bahagi ng bansa, 1,791 metro (5,876 talampakan) sa ibabaw ng dagat sa isang makitid na lambak, na nasa pagitan ng kabundukang Hindu Kush sa tabi ng Ilog Kabul. Kaagad sa timog ng lumang lungsod makikita ang sinaunang pader ng lungsod at ang bundok na Sher Darwaza, na may sementeryo ng Shuhadayi Salihin sa likuran nito. Kaunti pang silangan ang kinalalagyan ng sinaunang kuta ng Bala Hissar, na may lawa ng Kol-e Hasmat Khan sa likuran nito.

Inilarawan ang lokasyon nito bilang isang "mangkok na napapalibutan ng mga bundok". Ilan sa mga bundok (na tinatawag na koh) ay ang Khair Khana-e Shamali, Khwaja Rawash, Shakhi Baran Tey, Chihil Sutun, Qurugh, Khwaja Razaq at Sher Darwaza. Mayroon ding dalawang bundok sa pagitan ng mga urbanong lugar sa kanluran: ang Koh-e Asamai (na lokal na kilala bilang Burol ng Telebisyon) at Ali Abad. Ang mga burol sa loob ng lungsod (na tinatawag na tapa) ay kinabibilangan ng Bibi Mahro at Maranjan.

Dumadaloy ang Ilog Logar papasok sa Kabul mula sa timog, at sumasanib ito sa Ilog Kabul na hindi kalayuan sa sentro ng lungsod.

Sinasaklaw ng lungsod ang lawak na 1,023 kilometro kuwadrado (395 mi kuw), kaya ito ang pinakamalaking lungsod sa bansa. Ang pinakamalalapit na dayuhang kabisera, kung susukatin nang tuwid ang distansya, ay ang Islamabad, Dushanbe, Tashkent, Bagong Delhi at Bishkek. Halos magkasinglayo ang Kabul mula sa Istanbul (kanlurang Asya) at Hanoi (silangang Asya).

Demograpiya

Mga kabataang lalaki at babae na Apgano sa isang pagdiriwang ng musikang rock sa loob ng Hardin ng Babur
Mga kabataang lalaki at babae na Apgano sa isang pagdiriwang ng musikang rock sa loob ng Hardin ng Babur
Mga bahay na itinayo sa kabundukan
Mga bahay na itinayo sa kabundukan
Mga babaeng Apgano sa Kabul noong 2012
Mga babaeng Apgano sa Kabul noong 2012
3 images

Tinaya noong 2023 na humigit-kumulang 4.95 milyon ang populasyon ng Kabul. Matagal nang pabago-bago ang tipon ng lungsod dahil sa mga digmaan. Dahil walang makabagong senso, iba-iba ang pagtataya sa bilang ng populasyon.

Tinayang nasa humigit-kumulang 10,000 ang populasyon ng Kabul noong 1700, 65,000 pagsapit ng 1878, at 120,000 noong 1940. Kamakailan, nasa humigit-kumulang 500,000 ang populasyon noong 1979, samantalang ayon sa isa pang sanggunian ay 337,715 ito noong 1976. Umangat ang bilang na ito sa mga 1.5 milyon pagsapit ng 1988, bago ito bumagsak nang husto noong dekada 1990. Naging isa ang Kabul sa pinakamabilis lumaking lungsod sa mundo, at nag-apat na beses ang pagdami ng populasyon nito mula 2001 hanggang 2014. Bahagi ito ng pagbabalik ng mga refugee o lumikas matapos bumagsak ang rehimeng Taliban, at bahagi rin ng paglipat ng mga Apgano mula sa iba pang lalawigan dahil sa digmaan sa pagitan ng mga mandirigmang Taliban at ng puwersa ng pamahalaang Apgano sa kanilang mga katutubong lugar, pati na rin ang paghahanap ng trabaho. Dahil sa mabilis na urbanisasyon ito, maraming naninirahan ngayon sa di-pormal na mga pamayanan. Nagtayo sila ng mga barung-barong na gawa sa putik at ladrilyo sa gilid ng mga bundok at matatarik na burol, na karaniwang salat sa yaman at hindi nakakonekta sa tubig at kuryente. Bagaman ilegal ang mga pamayanang ito, pinapayagan sila ng mga awtoridad. Noong 2017, nagsimula ang Munisipalidad ng Kabul ng isang proyekto na pagpipinta ng mga bahay sa mga pamayanang ito ng makukulay na kulay bilang pagsisikap na "pasayahin" ang mga residente.

Ang Kabul ay, noon pa man at hanggang ngayon, ang pinakamayamang lungsod pagdating sa pagkakaiba-ibang etniko sa bansa; kinabibilangan ang populasyon nito ng mga Apgano mula sa iba't ibang bahagi ng bansa. Humigit-kumulang 45% ng populasyon ng Kabul ay Tajik, 25% ay Hazara, 25% naman ay Pashtun; kabilang sa mga minoryang pangkat-etniko ang Qizilbash (binibilang kasama ng mga Tajik), 1% ay Baloch, 2% ay Uzbek, 1% ay Turkmano, at 1% Apganong Hindu. Halos tatlong-kapat ng populasyon ng Kabul ang sumusunod sa Sunni Islam, habang nasa humigit-kumulang dalawampu't limang bahagdan ang Shiite. Kabilang din sa iba pang relihiyon sa lungsod ang Sikhismo at Hinduismo.

Noong 1525, inilarawan ni Babur ang rehiyon sa kaniyang mga alaala sa pamamagitan ng pagsulat na:

Eleven or twelve tongues are spoken in Kābul—‘Arabī, Persian, Turkī, Mughūlī, Hindī, Afghānī, Pashāī, Parājī, Gibrī, Bīrkī, and Lamghānī. If there be another country with so many differing tribes and such a diversity of tongues, it is not known. (Labing-isa o labindalawang wika ang sinasalita sa Kabul— ‘Arabī (Arabie), Persa, Turkī (Turko), Mughūlī, Hindī, Afghānī (Pashto), Pashāī, Parājī (Parachi), Gibrī (Gawar-Bati), Bīrkī (Ormuri), at Lamghānī (Lambadi). Kung may iba pang lupain na may ganito karaming magkakaibang tribo at ganito kalawak na iba-ibang wika, hindi ito nalalaman.)

— Baburnama, 1525

Kasama ng mga pamayanang Pastun, Tajik at Hazara, na bumubuo sa nakararami ng populasyon ng lungsod, mayroon ding malaking bilang ng Uzbek, Turkmen, Kuchi, Qizilbash, Hindu, Sikh, at iba pang pangkat. Ang mas malawak na lalawigan ng Kabul naman ay pinangungunahan ng mga pangkat na Pastun at Tajik. Ang mga wikang Dari (Persa) at Pashto ay malawakan ang gamit sa rehiyon, at ang Dari ang nagsisilbing lingua franca. Karaniwan ang multilingguwalismo sa lugar, lalo na sa hanay ng mga taong Pastun.

Tumutukoy ang katawagang "Kabuli" (کابلی) sa mga urbanito ng lungsod. Karaniwan silang etnikong nyutral, nagsasalita ng Dari (Persa), may pangkalahatang sekular na edukasyon, at pabor sa damit at istilong Kanluranin. Maraming Kabulite (lalo na ang mga elitista at nasa mataas na uri) ang umalis sa bansa noong digmaang sibil, at ngayon ay napapabilang sa mas kaunting bilang kumpara sa mga taong mula sa kanayunan na lumipat sa lungsod, karamihan ay mga lumulumikas subalit mayroon ding naghahanap ng trabaho.

Humigit-kumulang 68% ng populasyon ng lungsod ang sumusunod sa Sunni Islam habang 30% ay mga Shiite (pangunahin ang mga Hazara at Qizilbash). Ang natitirang 2% ay mga tagasunod ng Sikhismo at Hinduismo, pati na rin ang isang kilalang Kristiyanong residente (Unang Ginang Rula Ghani) at isang Hudyo (Zablon Simintov) noong dekada 2010. Tinatayang nasa 500–8,000 Apganong Kristiyano sa buong bansa; dahil sa mga limitasyon sa kalayaan sa relihiyon, kadalasan ay lihim silang sumasamba, kaya mahirap matantiya ang bilang ng mga Kristiyano sa Kabul nang tiyak. Daang-daang hindi Muslim ang nananatili pa rin matapos muling sakupin ng Taliban ang Apganistan. Mayroon ding maliit na pamayanang mangangalakal na Sindhi at Punjabi sa Kabul (kung saan kabilang ang karamihan ng mga Sikh at Hindu) at mga pamayanang Turko (kadalasan ay mga may-ari ng negosyo at mamumuhunan), at noong dekada 1980, mayroon ding malaking pamayanang Ruso sa lungsod sa panahon ng kampanya ng Sobyet sa bansa.

Kultura at mga palatandaan

Ang Palengke ng Ibon (Ka Foroshi) sa Kabul
Ang Palengke ng Ibon (Ka Foroshi) sa Kabul

Ang lumang bahagi ng Kabul ay puno ng mga pamilihan (bazaar) na nakapuwesto sa makitid at paikot-ikot nitong mga kalye, gaya ng Mandawi at ang Palengke ng Ibon (Ka Foroshi). Kabilang sa mga kultural na pook ang: Pambansang Museo ng Apganistan, na kapansin-pansing nagpapakita ng kahanga-hangang estatwa ni Surya na nahukay sa Khair Khana; ang guho ng Palasyo ng Darul Aman, ang libingan ng Emperador na Mughal na si Babur sa Bagh-e Babur, at Liwasang Chihil Sutun, ang Minar-i-Istiqlal (Haligi ng Kalayaan) na itinayo noong 1919 matapos ang Ikatlong Digmaang Apgano, ang libingan ni Timur Shah Durrani; ang Palasyo ng Bagh-e Bala Palace; at ang kahanga-hangang Moskeng Id Gah (itinaguyod 1893). Ang Bala Hissar ay isang kuta na bahagyang nasira noong Ikalawang Digmaang Anglo-Apgano, at muling inayos bilang isang kolehiyong militar. Nariyan din ang kuta ng Kolola Pushta, na pinagbarilan ng Hukbong Apgano, at ang kalapit na kuta ng Tore ng Shahrara noong ika-19 na dantaon, na nasira noong 1928. Ang bundok na Koh-e Asamai ay may templo na itinuturing na mahalaga sa Hinduismo.

Kabilang sa iba pang mga pook na kaakit-akit ang Sentrong-Lungsod ng Kabul, na siyang kauna-unahang shopping mall o pamilihang-sentrong pangkalakalan ng Kabul; ang mga tindahan sa paligid ng Kalye Flower at Kalye Chicken; ang distrito ng Wazir Akbar Khan; Klab ng Golp ng Kabul; Soo ng Kabul; Moske ng Abdul Rahman; Shah-Do Shamshira at iba pang kilalang moske; ang Pambansang Galeriya ng Apganistan; ang Pambansang Arkibo ng Apganistan; Libingan ng Pamilyang Maharlika ng Afghanistan; Museong Mina ng OMAR; Burol ng Bibi Mahro; Sementeryo ng Kabul; at Mga Hardin ng Paghman, na pinaka-kilala sa tanyag na arko ng Taq-e Zafar. Kasali rin ang Aga Khan Development Network (AKDN) sa pagpapanumbalik ng Bagh-e Babur (Mga Hardin ng Babur).

Ang Bangin ng Maranjan (Tappe-i-Maranjan) ay isang kalapit na burol kung saan natagpuan ang mga estatwa ng Budismo at Greco-Baktriyano mga barya mula sa ika-2 dantaon BK. Sa labas ng mismong lungsod ay matatagpuan ang stupang Budistang Guldara at isa pang stupa sa Shewaki. Ang Paghman at Jalalabad ay mga kaakit-akit na lambak sa kanluran at silangan ng lungsod. Sa huling kalsadang ito, mga 16 milya sa silangan ng lungsod, ay ang banging Tang-e Gharu.

Noong nakaraan, mayroon ang Kabul ng hanggang 23 sinehan, subalit sa kasalukuyan ay apat na lamang ang natitira, kabilang ang pag-aari ng estado na Sinehang Ariana. Ang pagbagsak ng sinehan sa Apganistan mula noong dekada 1990, dulot ng digmaan at mapaniil na mga rehimen, ay nagdulot ng pagsasara ng marami sa mga ito. Ang Nandari, o Pambansang Teatro ng Kabul, ay isa sa pinakamalalaking teatro sa Asya bago ito masira sa digmaang sibil at hanggang ngayon ay hindi naibalik. Dahil sa kakulangan ng pamumuhunan, hindi nakabawi ang sektor matapos ang 2001, at kapansin-pansin ang Sinehang Parke na ginawang wasak at kontrobersyal na binuwag noong 2020.

Kambal na bayan – kapatid na lungsod

Karagdagang pagbabasa

  • Adamec, Ludwig W. (2012). Historical Dictionary of Afghanistan (sa wikang Ingles). Scarecrow Press. ISBN 978-0-8108-7815-0.
  • "Afghanistan Struggles to Preserve Rich Past Despite Ongoing War" (sa wikang Ingles). The Canadian Press. 14 Oktubre 2007. Inarkibo mula sa orihinal noong.
  • Hill, John E. (2009). Through the Jade Gate to Rome: A Study of the Silk Routes during the Later Han Dynasty, 1st to 2nd centuries CE. Charleston, South Carolina: BookSurge. ISBN 978-1-4392-2134-1ISBN 978-1-4392-2134-1. (sa Ingles)
  • Parodi, Laura E. (2021). "Kabul, a Forgotten Mughal Capital: Gardens, City, and Court at the Turn of the Sixteenth Century". Muqarnas Online (sa wikang Ingles). 38 (1): 113–153. doi:10.1163/22118993-00381P05.
  • Romano, Amy (2003). A Historical Atlas of Afghanistan (sa wikang Ingles). The Rosen Publishing Group. ISBN 978-0-8239-3863-6.

Read next

In 190 languages

tlAcèhAfrikaansAlemannischአማርኛaragonésÆngliscالعربيةالدارجةمصرىasturianuअवधीazərbaycancaتۆرکجهбашҡортсаBasa BaliBikol Centralбеларуская (тарашкевіца)беларускаяBetawiбългарскиবাংলাབོད་ཡིགbrezhonegbosanskiбуряадcatalà閩東語 / Mìng-dĕ̤ng-ngṳ̄нохчийнCebuanoکوردیqırımtatarcačeštinaчӑвашлаCymraegdanskDeutschZazakiKadazandusunडोटेलीΕλληνικάEnglishEsperantoespañoleestieuskaraestremeñuفارسیsuomivõroføroysktfrançaisarpetanNordfriiskFryskGaeilgeGàidhliggalegoગુજરાતીGaelgHausa客家語 / Hak-kâ-ngîעבריתहिन्दीFiji HindihrvatskihornjoserbsceKreyòl ayisyenmagyarհայերենԱրեւմտահայերէնinterlinguaBahasa IndonesiaInterlingueIlokanoIdoíslenskaitaliano日本語ქართულიQaraqalpaqshaTaqbaylitKarai-karaiKabɩyɛKumoringGĩkũyũқазақшаಕನ್ನಡYerwa Kanuri한국어کٲشُرkurdîкыргызчаLatinaLëtzebuergeschLingua Franca NovaLimburgsLigureLadinlombardlingálaລາວlietuviųlatviešuमैथिलीBasa BanyumasanмокшеньMalagasyолык марийMāoriMinangkabauмакедонскиമലയാളംмонголꯃꯤꯇꯩ ꯂꯣꯟमराठीBahasa MelayuMaltiမြန်မာဘာသာمازِرونیनेपालीNederlandsnorsk nynorsknorskNovialoccitanlivvinkarjalaଓଡ଼ିଆиронਪੰਜਾਬੀPapiamentupolskiPiemontèisپنجابیپښتوportuguêsRuna SimiromânăрусскийIkinyarwandaсаха тылаᱥᱟᱱᱛᱟᱲᱤsardusicilianuScotsسنڌيdavvisámegiellasrpskohrvatski / српскохрватскиසිංහලSimple EnglishslovenčinaslovenščinaanarâškielâchiShonaSoomaaligashqipсрпски / srpskiSundasvenskaKiswahiliślůnskiSakizayaதமிழ்ತುಳುతెలుగుтоҷикӣไทยtolışitoki ponaTürkçeтатарча / tatarçachiTumbukaудмуртئۇيغۇرچە / Uyghurcheукраїнськаاردوoʻzbekcha / ўзбекчаvepsän kel’Tiếng ViệtVolapükWinaray吴语მარგალურიייִדישYorùbáZeêuwsⵜⴰⵎⴰⵣⵉⵖⵜ ⵜⴰⵏⴰⵡⴰⵢⵜ閩南語 / Bân-lâm-gí粵語中文

Text from Wikipedia, CC BY-SA 4.0 · Source article