
Sa Hapon, ang onsen (温泉) ay mga init-bukal at paliguan at tradisyonal na bahay-tuluyan sa paligid nito. Humigit-kumulang 25,000 ang bukal sa buong Hapon, at ginagamit ng halos 3,000 establisyimentong onsen ang natural na mainit na tubig mula sa mga bukal na ito na pinainit sa heotermal na paraan.
Maaaring nasa labas (露天風呂 o 野天風呂 roten-buro / noten-buro) o nasa loob (内湯 uchiyu) ang onsen. Kinaugaliang itinayo ang mga onsen sa labas, ngunit marami nang paliguan sa loob ng mga bahay-tuluyan. Sa ngayon, dahil mayroong paliguan ang karamihan ng mga sambahayan, kumonti ang tradisyonal na pampublikong paliguan, ngunit sumikat din ang pagbibiyahe sa mga bayan na may mainit na bukal. Maaaring pampublikong pinamamahalaan ang mga paliguan ng isang munisipalidad o pinapatakbo nang pribado, kadalasan ng establisyimentong paninirahan kagaya ng otel, ryokan, o minshuku.
Kadalasang ipinapahiwatig ang presensiya ng onsen sa mga tanda at mapa sa pamamagitan ng simbolong ♨, ng kanjing 湯 (yu, "mainit na tubig"), o ng mas simpleng hiragana, isang uri ng ponetikang karakter, na ゆ (yu).
Kahulugan
Ayon sa Hapones na Batas ng Init-bukal (温泉法 Onsen Hō), binigyang-katuturan ang onsen bilang "mainit na tubig, mineral na tubig, at tubig-singaw o ibang gas (maliban sa likas na gas na may hidrokarburo bilang pangunahing sangkap) na bumubulwak mula sa ilalim ng lupa. Nakasaad sa batas na dapat 24 °C (75 °F) o higit pa ang mineralisadong tubig-bukal ng onsen, nagmumula sa lalim na 1.5 kilometro (0.93 mi) o mas malalim pa, at naglalaman ng tiyak na halaga ng mga mineral kagaya ng asupre, sodyo, bakal, o magnisyo.
Kung katangi-tangi ang mga mineral o kemikal sa tubig ng onsen, karaniwang ipinapakita ng mga establisyimento kung anong uri ng tubig ang mayroon doon, at isang dahilan nito ang paniniwala sa mga benepisyong pangkalusugan ng mga tiyak na mineral sa tubig. Kabilang sa mga uri ng onseng asupre (硫黄泉 iō-sen), onseng sodyo kloruro (ナトリウム泉 natoriumu-sen), onseng idroheno karbonato (炭酸泉 tansan-sen), at onseng bakal (鉄泉 tetsu-sen).
Pagsisiligo ng lalaki't babae

Noon, nagsiligo ang mga lalaki't babae sa mga onsen at sentō, ngunit ipinatupad ang paghihiwalay ng kasarian sa karamihan ng mga institusyon mula noong pagbubukas ng Hapon sa Kanluran noong Pagpapanumbalik ng Meiji. Umiiral pa rin ang pagsisiligo ng lalaki't babae (混浴 kon'yoku) sa ilang kanayunan sa Hapon, na nagbibigay rin ng opsiyon ng hiwalay na paliguan para sa "babae lamang" o magkaibang oras para sa dalawang kasarian. Karaniwang hindi nalilimitahan ang mga bata ng mga panuntunang ito.
Sa ilang prepektura ng Hapon, kabilang ang Tokyo, kung saan pinagbabawalang magsiligo nang hubad ang mga lalaki't babae, kailangang magsuot ng damit-langoy o yugi (湯着), na idinisenyo para sa pagliligo.
Etiketa

Pagtitiyak ng kalinisan
Katulad ng sa isang sentō sa isang onsen, inaasahan na lahat ng mga bisita ay maghuhugas at magbabanlaw nang mabuti bago pumasok sa mainit na tubig. Nasasangkapan ang pinagliliguan ng mga tuntungan, gripo, baldeng kahoy, at mga gamit-banyo tulad ng sabon at siyampu; matatanggal rin ang dutsa sa karamihan ng mga onsen para mas madaling maligo. Hindi katanggap-tanggap ang pagpasok sa onsen habang marumi pa o habang may sabon pa sa katawan.
Pananamit
Karaniwang hindi pinapayagan ang pagsusuot ng mga damit-langoy sa paliguan. Pero ang ilang modernong onsen ay nagpapasuot ng damit-langoy sa mga bisita sa magkasamang paliguan.
Tuwalya
Karaniwang nagdadala ang mga bisita ng onsen ng bimpo na ipinampupunas. Maaari ring gamitin ito bilang pantakip para may kaunting kahinhinan habang naglalakad sa pagitan ng hugasan at paliguan. Pinapagayan ng ilang onsen ang pagsusuot ng tuwalya sa paliguan, habang nagpaskil ang iba ng mga karatula na bawal ito, dahil pahihirapan nito ang paglilinis ng paliguan. Labag sa mga tuntunin ang pagsawsaw o paglubog ng mga tuwalya sa tubig ng paliguan ng onsen, dahil maituturing itong marumi. Itinatabi ng mga tao ang kani-kanilang mga bimpo sa gilid habang tinatamasa ang pagliligo, o inilalagay nila ang tuwalyang nakatupi sa ibabaw ng kanilang ulo.
Tatu
Pagsapit ng 2015, pinagbalawan ng halos kahalati (56%) ng mga nagpapatakbo ng onsen ang mga manliligo na may tatu sa paggamit ng kanilang mga pasilidad. Ang orihinal na dahilan sa pagbabawal ng tatu ay para hindi makapasok ang mga yakuza at miyembro ng mga ibang sindikato na kinaugaliang may tatu sa buong katawan.
Gayunpaman, mayroong mga onsen na pumapayag sa tatu. Nalaman ng isang pag-aaral noong 2015 ng Organisasyon ng Pambansang Turismo ng Hapon na higit sa 30% ng mga nagpapatakbo ng onsen sa mga otel at bahay-tuluyan sa bansa ay hindi magtatanggi ng taong may tatu; sinabi naman ng 13% na tatanggapin nila ang tatuwadong bisita sa ilalim ng ilang mga kondisyon, katulad ng pagtatakip sa tatu. Sa ilang bayan, may mga onseng pantatuwado kung saan hindi kailangang takpan ng mga bisita ang kanilang mga tatu. Kabilang sa mga ganitong bayan ang Onseng Kinosaki sa Hyōgo at Onseng Beppu sa Ōita.
Sa pagdami ng mga dayuhang suki dahil sa lumalagong turismo, niluluwagan ng ilang onsen na dating nagbawal ng mga tatu ang kanilang mga patakaran upang makapasok ang mga bisita na may maliliit na tatu, basta't matakpan nila ang kanilang mga tatu ng patse o tapal.
Panganib
May nakalathalang gabay sa artikulo 18, talata 1 ng Hapones na Batas ng Init-bukal tungkol sa mga kontraindikasyon at pag-iingat sa paliligo sa mga init-bukal, at sa pag-iinom ng tubig nito. Bagama't milyun-milyong Hapones ang naliligo sa onsen bawat taon at napakakaunti lamang ang naaapektuhan ng masama, mayroon pa ring potensiyal na masamang epekto sa pag-oonsen, kagaya ng pagpapalubha sa altapresyon o sakit sa puso.
Nadiskubre ang bakteryang Legionella sa ilang onsen na kulang sa kalinisan. Halimbawa, 295 tao ang nahawahan ng Legionella at pito ang namatay sa isang onsen sa Prepektura ng Miyazaki noong 2002. Ang paglalantad ng kakulangan sa kaugalian sa kalinisan sa ilang onsen ay humantong sa pagpapabuti ng regulasyon ng mga komunidad ng init-bukal upang hindi masira ang kanilang reputasyon.
Nagkaroon ng mga ulat ng nakakahawang sakit na matatagpuan sa mga maiinit na anyong tubig sa buong mundo, kagaya ng ilang mga espesye ng Naegleria. Habang natuklasan ng mga pag-aaral ang pagkakaroon ng Naegleria sa tubigan ng mga init-bukal, walang natuklas na Naegleria fowleri, na responsable para sa maraming kaso ng nakamamatay na primary amoebic meningoencephalitis sa buong mundo, sa tubig ng mga onsen. Gayunpaman, wala pang limang kaso ang nakita sa Hapon, bagaman hindi tiyak na naugnay sa pag-oonsen.
Nagpapaskil ang maraming onsen ng patalastas na nagpapaalala na huwag maligo ang sinumang may bukas na sugat. Higit pa rito, padagdag nang padagdag nitong mga nakaraang taon ang mga onsen na naglalagay ng kloro sa kanilang tubig upang maiwasan ang impeksyon, ngunit hinahanap pa rin ng mga purista sa onsen ng onseng natural at walang kloro na hindi nagreresiklo ng tubig ngunit nililinis ang paliguan araw-araw. Lubos na binabawasan ang anumang panganib sa mga maliligo ng mga pag-iingat pati ng tamang paggamit ng onsen (i.s. hindi inilalagay ang ulo sa ilalim ng tubig, paghuhugas ng maigi bago pumasok sa paliguan).
Naiulat ang paninilip sa ilang onsen. Naiiwasan ito sa ilang prepektura ng Hapon kung saan pinagbabawalaan ang pagsisiligong-hubad ng lalaki't babae, dapat naka-swimsuit ang mga bisita.
