Ang Miss Universe ay isáng taunang pandaigdigang patimpalak ng kagandahan na pinamamahalaanan ng Miss Universe Organization. Kasama ng Miss World, Miss International, at Miss Earth, ang Miss Universe ay isá sa apat na pinakamalaking patimpalak ng kagandahan sa mundo, na may tinatayang may mahigit 500 milyong manonood sa mahigit 190 teritoryo. Ang Telemundo ay may karapatan sa paglilisensya upang ipalabas ang kompetisyon hanggang 2023, at ipinapalabas din ang kompetisyon sa NBC sa pamagitan ng Roku Channel, at Telemundo.
Kasalukuyang pagmamay-ari ng JKN Global Group ang Miss Universe Organization. Ang adbokasiya ng patimpalak ay "mga suliraning pantao at isang boses na magdudulot ng positibong pagbabago sa daigdig". Ang kasalukuyang CEO ng organisasyon ay si Amy Emmerich.
Ang kasalukuyang Miss Universe ay si Sheynnis Palacios ng Nikaragwa, na kinoronahan noong 18 Nobyembre 2023 sa El Salvador.
Kasaysayan

Ang titulong "Miss Universe" ay unang ginamit sa International Pageant of Pulchritude noong 1926. Ginaganap taon-taon ang kompetisyong ito hanggang 1935 nang dumating ang Matinding Depresyon at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat nagsilbing modelo at inspirasyon ang patimpalak na ito sa kasalukuyang Miss Universe pageant, ang kasalukuyang pageant ay walang direktang kaugnayan sa naunang Miss Universe.
Ang kasalukuyang Miss Universe pageant ay itinatag noong 1952 ng Pacific Knitting Mills, isang kumpanya ng damit na nakabase sa California na siyang tagagawa ng Catalina Swimwear. Isponsor ng Miss America pageant ang kumpanya hanggang 1951, noong tumangging mag-pose para sa publicity picture si Miss America 1951 Yolande Betbeze habang suot ang kanilang damit panlangoy. Ginanap sa Long Beach, California ang kauna-unahang Miss Universe Pageant na may tatlumpung kalahok. Ito ay napalanunan ni Armi Kuusela ng Pinlandiya, na binitawan ang kanyang titulo, bagama't hindi opisyal, upang magpakasal sa negosyanteng Pilipino na si Virgilio Hilario, ilang linggo bago matapos ang kanyang panunungkulan bilang Miss Universe. Mula 1952 hanggang 1958, ang titulo ng Miss Universe ay nakapetsa sa taon pagkatapos ng paligsahan, kaya ang titulo ni Kuusela noon ay Miss Universe 1953. Kalaunan ay nakuha ng Kayser-Roth Corporation ang kompetisyon mula sa Pacfic Knitting Mills.
Unang ipinalabas sa telebisyon ang pageant noong 1955, at nakuha ng Kayser-Roth ang kompetisyon noong 1959. Noong 1960, sinimulang ipalabas sa CBS ang pinagsamang Miss USA at Miss Universe pageant, at noong 1965 bilang magkahiwalay na paligsahan. Kalaunan, binili ng Gulf+Western Industries ang Kayser-Roth noong 1975 na siyang naging may-ari ng Miss Universe hanggang 1991 noong binili ito ng Procter & Gamble. Noong 24 Oktubre 1996, binili ng negosyanteng Amerikano na si Donald Trump ang Miss Universe mula sa ITT Corp. na siyang nagmamay-ari ng Miss Universe mula noong Mayo ng kaparehong taon. Noong 1998, pinalitan ang pangalan ng Miss Universe Inc. sa Miss Universe Organization, at inilipat ang punong-tanggapan nito mula sa Los Angeles sa Lungsod ng New York. Nagpatuloy ang CBS sa pagsasahimpapawid ng mga kompetisyon hanggang 2002 noong pumasok si Trump sa isang joint venture kasama ang NBC, na siyang may karapatang isahimpapawid ang mga pageant sa ilalim ng Miss Universe Organization mula 2003 hanggang 2014.
Noong Hunyo 2015, kinansela ng NBC ang lahat ng mga pakikipagsosyo nito kay Trump at sa Miss Universe Organization kasunod ng mga kontrobersyal na pahayag ni Trump tungkol sa mga ilegal na imigrante mula sa Mehiko na tumawid sa hangganan ng Estados Unidos. Bilang bahagi ng legal na kasunduan, binili ni Trump ang 50% tulos ng NBC sa kumpanya noong Setyembre 2015. Pagkalipas ng tatlong araw, ibinenta niya ang buong kumpanya sa WME/IMG. Kasunod ng pagbabago ng pagmamay-ari, ang Fox at Azteca ay inanunsyo bilang mga opisyal na tagahimpapawid ng Miss Universe at Miss USA. Mula sa taong 1997, ang pangulo ng Miss Universe Organization ay si Paula Shugart, na siyang nagpatuloy sa kanyang posisyon sa ilalim ng WME/IMG. Noong Enero 2022, itinalaga si Amy Emmerich bilang CEO ng Miss Universe Organization.
Noong 26 Oktubre 2022, nakuha ng JKN Global Group na pagmamay-ari ng negosyanteng si Anne Jakrajutatip ang Miss Universe Organization mula sa IMG sa halagang $20 milyon. Si Jakrajutatip ang transgender na nagmay-ari ng organisasyon, at ang unang beses na lumawak ang punong-tanggapan ng Miss Universe sa labas ng Estados Unidos. Mula sa taong 2022, bumalik sa NBC ang karapatang isahimpapawid ang Miss Universe sa pamamagitan ng Roku Channel, isang streaming service sa Estados Unidos. Naghain ng pagkabangkarote si Jakrajutatip noong Nobyembre 2023, ngunit nagpatuloy pa rin ang pagdaos ng ika-72 edisyon ng kompetisyon sa El Salvador.
Noong 16 Nobyembre 2023, inanunsyo ni Paula Shugart ang kanyang pagbitiw bilang pangulo ng Miss Universe Organization, at ang kanyang posisyon ay hindi mapapalitan. Kasunod ng pag-alis ni Shugart, inanunsyo rin ng CEO ng Miss Universe Organization na si Amy Emmerich ang kanyang paglisan noong 8 Pebrero 2024, kung saan siya ay aalis sa organisasyon sa 1 Marso 2024.
Noong Enero 2024, inanunsyo ng Miss Universe Organization na ibininenta ni Jakrajutatip ang kalahati ng prangkisa ng Miss Universe sa negosyanteng Mehikano na si Raúl Rocha Cantú. Si Rocha rin ang nanguna sa pag-aayos ng ika-73 edisyon ng Miss Universe na ginanap sa Mehiko.
Pagpili ng mga kalahok

Proseso ng pagili
Upang makalahok sa Miss Universe, kailangan ng isang bansa ng isang lokal na kumpanya o tao upang bilhin ang mga lokal na karapatan ng kompetisyon sa pamamagitan ng isang franchise fee. Kasama sa bayad ang mga karapatan ng imahe, tatak at lahat ng may kaugnayan sa Miss Universe. Kadalasan ay ibinabalik ng may-ari ng prangkisa ang prangkisa sa Miss Universe Organization, na muli ito ibebenta sa isang bagong stakeholder. Ang muling pagbebenta ng prangkisa mula sa isang may-ari patungo sa susunod ay karaniwang nagaganap sa kasaysayan ng pageant, kung minsan ay dahil sa mga paglabag sa kontrata o pinansyal na dahilan. Kamakailan lang ay nagbago ang proseso ng aplikasyon para sa prangkisa ng Miss Universe kung saan ang proseso ng aplikasyon para sa prangkisa ay naganap sa pamamagitan ng pagbi-bid.
Ang bilang ng mga bansang lumalahok sa Miss Universe ay kasabay na bumababa sa tuwing nagkakaroon ng magkasalungat na mga iskedyul sa regular na kalendaryo ng pageant. Katulad na lamang noong 1987, ang unang edisyon ng Miss Universe na naganap sa Mayo imbis na sa karaniwang Hulyo, kung saan animnampu't-walo lamang ang lumahok dahil sa may mga ibang bansa na nahuli na sa pagluklok ng kandidata o wala nang oras para sa preparasyon. Simula noong 1989, higit pa sa pitumpung bansa ang laging lumalahok sa Miss Universe, at noong 2018 ay pumalo ang bilang nito sa siyamnapu't-apat, ang pinakamarami sa Miss Universe. Sa taong 2024, inaasahan ang mahigit 120 bansa na lalahok sa Miss Universe.
Pagpili ng mga kandidata
Proseso sa pagpili ng mga kandidata
Kadalasan, ang pagpili ng kandidata sa isang bansa ay sa pamamaraan ng pagdaos ng pageant sa mga lokal na rehiyon ng isang bansa, at ang mga lokal na nagwagi ay nakikipagkumpitensya sa isang pambansang pageant na siyang magtutukoy kung sino ang ipapadala sa Miss Universe, ngunit may ilang mga bansa na pinipinili ang kanilang kandidata sa isang internal selection. Halimbawa, mula 2000 hanggang 2004, ang mga kandidata ng Australya ay pinili ng isang ahensya ng pagmomolde. Bagama't hindi ito hinihikayat ng organisasyon, napiling kumatawan sa kanyang bansa si Jennifer Hawkins sa Miss Universe noong 2004 kung saan siya ay nagwagi.
Kabilang sa mga bansang kamakailan lamang sumali sa patimpalak ang Pakistan (2023), Biyelorusya, Emiratos Arabes Unidos, Eritreya, Guniya, Hilagang Masedonya, Makaw, Maldibas, Moldabya, Somalya, at Uzbekistan (2024), pati na ang Cabo Verde, Mayotte, Miss Universe Latina, Palestina, at Rwanda (2025). Ang Miss Universe Latina, Palestine, at Rwanda ang mga pinakabagong kandidata at ang mga pinakahuling nakakuha ng kanilang kauna-unahang puwesto sa semifinal ng Miss Universe, matapos silang makapasok bilang mga semifinalist sa Top 30 sa kanilang pagsali noong 2025.
Mga kinakailangan para sa isang kandidata
Ang age requirement sa unang edisyon ng Miss Universe noong 1952 ay mula labinwalo hanggang dalawampu't-walong taong gulang, at maari ring lumahok ang mga babaeng kasal na, at mayroon nang anak. Ang patakarang ito ay pinalitan noong 1957 kung saan ipinagbabawal na ang paglahok ng mga babaeng kasal na o mayroong nang anak, na siyang dahil sa diskwalipikasyon ni Leona Gage. Kailangan ding mapanatili ng may hawak ng titulo ang kanyang pagiging hindi kasal o hindi pagiging ina hanggang sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan. Gayunpaman, ang patakarang ito ay ibinalik noong Agosto 2022 para sa Miss Universe 2023, at ang unang mga babaeng ina na lumahok sa Miss Universe simula noong 1956 ay sina Michelle Cohn ng Guwatemala at Camila Avella ng Kolombya.
Mga nagwagi kamakailan












| Taon | Bansa/Teritoryo | Nagwagi | Pambansang titulo | Lokasyon | Bilang ng kandidata |
|---|---|---|---|---|---|
| 2024 | Dinamarka | Victoria Kjær Theilvig | Miss Universe Denmark | Lungsod ng Mehiko, Mehiko | 125 |
| 2023 | Nikaragwa | Sheynnis Palacios | Miss Universe Nicaragua | San Salvador, El Salvador | 84 |
| 2022 | Estados Unidos | R'Bonney Gabriel | Miss USA | New Orleans, Estados Unidos | 83 |
| 2021 | Indiya | Harnaaz Sandhu | Miss Diva | Eilat, Israel | 80 |
| 2020 | Mehiko | Andrea Meza | Mexicana Universal | Hollywood, Estados Unidos | 74 |
| 2019 | Timog Aprika | Zozibini Tunzi | Miss South Africa | Atlanta, Estados Unidos | 90 |
