factograf
TL

halaman o pagpapangkat ng mga halamang pinili batay sa kanais-nais na mga katangian

Kultibar

Kultibar

Ang kultibar ay isang uri ng halamang itinanim na pinili ng tao dahil sa ninanais nitong mga katangian at napapanatili ang mga katangiang iyon kapag pinarami. Kabilang sa mga pamamaraang ginagamit sa pagpaparami ng mga kultibar ang paghahati, pagpuputol ng ugat at tangkay, mga sugpang, paghugpong, pagpapalaki ng tisyu, o maingat na pagkokontrol ng produksiyon ng binhi. Karamihan sa mga kultibar ay nagmumula sa sinasadyang manipulasyon ng tao, ngunit ang ilan ay nagmumula sa mga ligaw na halamang may natatanging mga katangian. Pinipili ang mga pangalan ng kultibar ayon sa mga tuntunin ng International Code of Nomenclature for Cultivated Plants (ICNCP), at hindi lahat ng itinanim na halaman ay maituturing bilang mga kultibar. Karaniwang naniniwala ang mga hortikulturista na ang salitang kultibar (cultivar) ay nilikha bilang isang terminong nangangahulugang "kinultibang baryedad" ("cultivated variety").

Ang mga sikat na halamang ornamental tulad ng mga rosas, kamelya, narsiso, rododendro, at asaleya ay kadalasang mga kultibar na nalilikha sa pamamagitan ng pagpapalahi at pagpili o mula sa mga isport (kusang mutasyon ng halaman), upang makamit ang nais na kulay o laki ng bulaklak, anyo ng halaman, o iba pang kanais-nais na katangian. Gayundin, ang mga pananim na pagkain sa agrikultura sa buong mundo ay halos pawang mga kultibar na pinili dahil sa mga katangiang tulad ng mas mataas na ani, mas mahusay na lasa, at resistensiya sa sakit. Simula nang umusbong ang inhenyeriyang henetiko noong dekada 1970 at ang malawakang paggamit nito sa pagpaparami ng mga pananim noong dekada 1980, napakakaunti na lamang ng mga ligaw na halaman ang ginagamit bilang komersiyal na mapagkukunan ng pagkain. Ang mga punong ginagamit sa paggugubat ay mga piling seleksiyon ding itinatanim upang makamit ang mas mataas na kalidad at ani ng troso. Halimbawa, ang Amerikanong kumpanya ng troso na Weyerhaeuser ang nangungunang nagtatanim ng mga punong Douglas-fir na may modipikasyong henetiko, isa sa mga pinakakaraniwang inaani na puno.

In 66 languages

Text from Wikipedia, CC BY-SA 4.0 · Source article